Moira Dela Torre – Handa, Awit


Sa wakas, nahanap din kita
Ilang taon narin akong paikotikot sa bakurang ito
Nabaligtad ko na ang lahat ng mga bato
Nahawi ko na ang bawat piraso ng damo
Hinalughog ko na ang langit at lupa para sa nawawalang kapiraso ng aking dibdib
Ang buto Na kukumpleto sa balangkas ng imahe ng pagibig
Sa panaginip, sinundan ko ang mga iniwan mong bakas
At sa pagbukas ng aking mga mata
Sa wakas nahanap din kita
Totoo pala yung mga kwento nila
Naalala ko sabi nila sakin, kapag natagpuan mo na daw ang hinahanap mo
At bumaligtad ang iyong sikmura
Nanghina ang mga tuhod mo
Bumilis ng tibok ang puso mo
At hindi mo mapigilan ang nginig sa iyong mga kamay
Nagkakamali ka
Hindi siya ang hinahanap mo
Dahil kapag nahanap mo na daw tinadhana sayo ng kalawakan
Sabi nila Kasabay mong matatagpuan ang kapayapaan
Ang lubag ng loob
Ang kalma
Na parang bago pa magtagpo ang ating mga katawan
Matagal na itong pinlano ng ating mga kaluluwa
Na minsan, hindi tayo magkasya sa isang dibdib
Kaya’t pinaghiwalay tayo ng may likha
Para balang araw kapag naikot ko na ng sapat na beses
Ang mga pader sa pagitan nating dalawa
Ang mga ito ay tutumba
At sa wakas, kapag humupa na ang sigwa
Matatagpuan din kita
At natagpuan nga kita
Sana hindi ako nagkamali
Dahil minsan na akong naging bala ng tirador
Na hinawakan ng mahigpit
At hinatak papalapit
Para lamang bitiwan at palayain
Iwang lumilipad sa hangin
Hindi ko alam kung saan ako babagsak
Pero dinala ako ng tadhana sa bakurang ito
At naniniwala akong lahat ng bagay ay may dahilan
Dahil naniniwala ako sa Kanya
Sa may hawak ng tirador na pumuksa
Ng mga higante sa aking dibdib
Noong mga panahong wala pang lakas ang aking mga bisig
Pero ngayon, masasabi kong handa na ako
Handa na akong muling sumugal
Handa na akong muling magmahal
Handa na akong lumabas sa aking bangka
Kahit ilang beses na akong nagtangka at lumubog
At nalunod sa kasinungalingan na ang pag-asa
Ay isang pantasya na binubulag ako sa katotohanan
Alam kong ang katotohanang andito ka ngayon
Sa aking harapan ay hindi ko kagagawan
Pero sa wakas nahanap din kita
Dahil, ngayon handa na ako
At ang tanging panalangin na isinisigaw ko sa hangin
Ay sana ikaw rin
Handa ka na ba?


More on Moira Dela Torre