Dello – Dalampasigan


Magkasabay na naglalakad sa dalampasigan

Nagkukwentuhan dalawang magkaibigan

Mga paksa na kung ano ang maisipan

Nagtatanungan kung ano ang kahilingan

Ang sabi ko hiling ko lang magkaroon ng tyansa

Na yung kalsadang malubak magkaroon ng plantsya

Para maging patag saka magkaroon plaza

At ang ulam ng mahirap sana magkaroon ng lasa

Sabi mo ang gusto mo para rin sa bayan

‘Wag mapabayaan nang maginhawahan

May tulong na nakaabang sa napinsalaan

Dapat na magkaisa ‘wag maging gahaman

Tayo ay natutuwa sa ganung usapan

Na itutuloy natin sa kinabukasan

Sa una ay mga biruan saka tawanan

Unti-unting lumalapit sa katotohanan

 

Chorus:

Ahhhhh naglalakad sa dalampasigan

(Sana maalala mo, sana makilala mo)

 

Isang araw nagpaalam ka ikaw ay aalis

Dahil ang iyong magulang nadestino sa Paris

Kahit nakakainis ito ang aking nasabi

‘Wag mo ‘kong kalimutan at mag ingat ka palagi

At nang ikaw nga ay wala parang ang daming nag-iba

Habang namamasyal sa dalampasigan mag-isa

Sa pulit-ulit na kwentuhan nating dalawa

Halos bawat nalintanya mo ay aking kabisa

At balita ko nag-aral ka maraming kurso

Habang ako ‘di nakatapos nagtrabaho ng husto

Dahil kami mahirap lang kahit hindi ko man gusto

Nagtitiis na lang kahit masungit ang boss ko

May mga araw na nag-iisip ako tungkol sayo

Siguro ay punog-puno na nga ngayon ang bulsa mo

Estado man magkalayo na kung ating susukatin

Sana matuloy yung dati pag-uwi mo dito sa atin

 

Chorus:

Ahhhhh naglalakad sa dalampasigan

(Sana maalala mo, sana makilala mo)

 

At makalipas ang ilang taon, ilang dekada

Ako’y nagtityaga pa rin mag ulam ng de-lata

Medyo nababahala tayo’y hindi na bata

Naaalala mo pa ba ‘ko? hindi na yata

Dahil baka sa dami ng trabaho sa Senado

Kaya bihira ka na din na magpunta sa Baryo

Balita ko takot ka sa madungis at mabaho

Para bang prinsipyo mo unti-unting nabago

Dahil ang taas mo na parang ‘di ka maabot

Mga kayang mong bigay bakit pinagdadamot

At ngayon ang kahirapan kaya mo nang magamot

Tinatanong ko plano hindi mo ‘ko sinasagot

Parang nag-iba ka na parang ‘di na kilala

Kaya sa dalampasigan muli kitang dinala

Kung saan mga pangarap natin dun nagsimula

Tapos yumakap ka sa akin at bigla kang naluha

 

Bridge:

Patawad sayo kung mayron man akong hindi natupad

Maaari pa ba kitang sabayan sa paglalakad?

 

Chorus:

Ahhhhh naglalakad sa dalampasigan

(Sana maalala mo, sana makilala mo)

 


More on Dello